Bilyung-bilyong pisong halaga ng imprastruktura, mga tulay, mga gusali, mga bahay na nilubog ng baha, mga ari-ariang buong buhay na ipinundar, mga sasakyan, alagang hayop, palayan at sakahan, at higit sa lahat mga sigaw ng tulong na hindi natin maaring makalimutan. Ang lahat ng ito ay naging normal na sa atin dahil nga sa pagbabago ng panahon o ang tinatawag ngang Climate Change. Ang dala ng Climate Change ay ang mas malakas na hangin sa mga bagyo, mas tuyo kapag tag-init. Ito ay isang katotohanan na hindi maaring tayo ay pikit mata na lamang. Kailangan na may gagawin tayo. Ayon sa maraming pag-aaral, ang ating bansa ay isa sa pinakatatamaan ng maraming epekto ng Climate Change--mga bagyo, mga pagbaha, pagtaas ng tubig palibot sa ating mga isla, ang pagkasira ng mga ani na dala ng mainit na panahon at marami pang ibang sakuna. Lahat ng panganib na ito kahit tayo ay isa lamang maliit na bahagi ng Climate Change sa buong mundo, ang bawat sektor ng ating lipunan ay may magagawa upang paghandaan at labanan ang mga epekto nito dahil lahat tayo ay apektado. Seryosohin nating ang usaping ito at talakayin natin sa ating mga pamilya, sa ating mga kaibigan, sa ating mga katrabaho, at sa ating buong lipunan.